Paalala, ingatan ang mga anak. Sa Punta, Santa Ana sa Maynila, nasapul sa CCTV camera ang muntikang pagdukot umano ng isang lalaki sa isang 11-anyos na babae na inutusan lang bumili ng ulam.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage ng Barangay 905, na naglalakad ang babae papunta sa isang karinderya pasado 11 a.m. ng Huwebes.
Sa ‘di kalayuan naman, isang lalaking nakaputi ang sumunod sa biktima pero umalis din kalaunan. Hinintay pala niya ng lalaki ang biktima sa isang kanto.
Sa isa pang video, makikita na ang bata na kasamang naglalakad ang lalaki na may dalang bisikleta.
Naglakad ang dalawa hanggang sa makapunta sila sa kanto ng Cardinal Street.
Umabot umano ng tatlong kilometro ang nilakad ng biktima at ng suspek bago sila tuluyang nakita ng kumpare ng ama ng biktima, at magkaangkas na ang dalawa sa bisikleta.
“Hinabol niya po ‘yung tao. Tinanong niya ‘Kilala mo ba ‘yan?’ ‘Hindi.’ Pinababa niya ‘yung anak ko, nilagay niya sa likod, hinawakan niya,” kuwento ng ama ng biktima.
Ang nakabisikletang lalaki, agad namang tumakas.
Sinabi ng barangay na nagpanggap ang lalaki na kakilala ng nanay ng biktima at pinangakuan daw ang bata ng kung ano-ano.
“Parang hipnotismo. I don’t know kung anong klaseng ginawa roon sa bata,” sabi ni kagawad Edwin Zambrona ng Barangay 905.
Dagdag ng barangay, nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang mga barangay para matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki at magbigay ng babala sa mga magulang.
Nag-iimbestiga na rin ang kapulisan para madakip ang lalaki. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
