Isang gasolinahan sa Barangay Rosary Heights 7 sa Cotabato City ang hinoldap sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang pagdating ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo noong hapon ng Huwebes, Marso 18, 2026.

Bumaba ang angkas na suspek at pumasok sa opisina. Ang rider, dahan-dahan naman lumayo.

Sa loob ng opisina, mahuli-cam din ang suspek na tinutukan ng baril ang babaeng supervisor at ipinakuha ang mga pera.

Bukod sa pera, kinuha rin ng suspek ang cellphone ng biktima at saka tumakas.

Ayon sa Cotabato City Police Office, tinatayang umabot sa P8,000 na cash ang nakuha ng suspek mula sa gasolinahan.

Wala umanong security guard sa gasolinahan nang mangyari ang insidente, at kinabukasan na naiulat ng biktima ang nangyari dahil sa trauma.

“Nasabi ng biktima na wala silang security guard during that time na ‘yon. Ni-report sa kapulisan, a day na, March 19 nila na-report. Hindi agad humingi ng tulong, it’s because, sabi ng biktima, natakot daw siya. And ‘di naman natin maalis ‘yon sa isang biktima because traumatic yung incident,” ayon kay Cotabato City Police Office Spokesperson, Police Lt. Rochelle Evangelista.

Patuloy naman imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

“Naghahanap pa rin tayo ng ibang CCTV, magba-backtracking yung ating investigating team as well as intelligence unit kung nakadaan, nahagip din ng ibang establisimyento yung tao na ito para makatulong sa pag-identify ng suspect,” sabi ni Evangelista. – FRJ GMA Integrated News