Laking tuwa ng isang batang nakapulot ng cellphone sa Pampanga dahil inaasahan niyang magkakapera siya. Pero hindi para ibenta ang cellphone kung hindi para hanapin ang may-ari. Alamin kung success ba siya.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, napag-alaman na sakay ng roller coaster ang may-ari ng cellphone kasama ang kaniyang mga kaibigan. Pero sa hindi inaasahang pangyayari habang binabalak nilang mag-video, nahulog ang cellphone.
Ayon kay Jodell Cabrera, nakatuwaan nilang sumakay ng rides matapos ang kontrata nila sa trabaho.
“Tapos na ‘yung contract namin sa [isang mall] kasi nag-work po kami doon for a month dahil peak season noon. Pauwi na kami noon, the next day, tapos tiyempo ‘yung pagkahulog ng phone ko,” sabi ni Jodell.
Papaumpisa pa lang daw ng rider nang mahulog ang cellphone ni Jodell at nagre-record na ito.
Kaya nang mahulog, nagtuloy ito sa pagkuha ng footage na hindi nila inasahan.
Isang bata naman ang nakapulot sa cellphone na tuwang-tuwa dahil sa inaasahan niyang magkakapera siya.
“Bibigyan ako ng pera nito! Pera ‘to!” sabi ng bata na tila gumawa na rin ng mini vlog niya gamit ang napulot na cellphone na tuloy pa rin sa pag-record.
“Hello guys! Sa may nahulog na cellphone, napulot ko!” anang bata na mistulang nag-vlog na rin.
Lumapit ang bata sa isang grupo ng mga lalaki na nagbigay sa kaniya ng pagkain ang insidente. Sila na rin ang nagsabi sa bata na doon na lamang hintayin ang may-ari ng cellphone kapag natapos na ang ride.
Nang makababa na sina Jodell sa roller coaster, sinalubong sila ng bata, na ibinalik din ang cellphone sa kanila.
“Hello! Eto po. Ako po ‘yung nakapulot sa cellphone ninyo,” sabi ng bata kina Jodell.
Hindi naman nabigo ang bata sa kaniyang inaasahan dahil binigyan siya nina Jodell ng pera na pambili niya ng meryenda.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
