Patay ang dalawang lalaking nang-holdup umano sa isang restaurant matapos silang hindi tumigil sa checkpoint at mauwi sa barilan ang engkuwentro nila sa mga pulis sa Quezon City nitong Miyerkoles.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita, sinabing nangyari ang pangho-holdup ng mga suspek bandang alas-8 ng gabi sa isang restaurant sa Scout Tobias, kung saan gumamit pa sila ng motor bilang getaway vehicle.

Napadaan sila ng Roces Avenue, at tiyempo namang may checkpoint sa lugar.

Sa halip na huminto, nagtuluy-tuloy ang mga suspek at pinaputukan pa ang mga pulis sa kanilang pagpasok sa eskinita.

Nauwi ito sa habulan, hanggang sa ma-korner sila ng mga pulis.

Gumanti ng putok ang mga awtoridad kaya napatay ang dalawang suspek.

"Ni-report nila sa 'kin 'yung kanilang Oplan Sita... Na-engage sa motorcycle riding-in-tandem that resulted [in] an encounter," sabi ni Senior Superintendent Joselito Teodoro Esquivel, director ng QC Police District.

Patuloy ang imbestigasyon kung sangkot din sa iba pang kaso ng pagnanakaw sa lungsod ang mga suspek. — Jamil Santos/MDM, GMA News