Bagaman maayos na ang lagay, inoobserbahan pa rin sa ospital ang isang batang anim na taong gulang na nasugatan sa mata at nalagasan ng ilang ngipin matapos na basta na lang siya sapakin ng isang lalaki sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita sa video na in-upload ng Facebook user na si Manilyn Barrameda, ang batang biktima habang angkas sa motorsiklo na pinapatakbo ng kaniyang ama na si JR Solano.
Hindi naman kabilisan ang pagpapatakbo ni Solano nang bigla silang salubungin sa kalye ng suspek na kinalaunan ay naaresto at nakilalang si John Carlo Lungay.
Walang sabi-sabing sinuntok ni Lungay ang batang biktima na si Julia Rhaine Solano, na dahilan para itigil ni JR ang kaniyang motorsiklo para alalayan ang anak.
Habang inaalalayan ng ama ang kaniyang anak, bumalik si Lungay at pinagsusuntok naman si JR na hindi makaganti dahil pinoprotektahan ang kaniyang anak.
Nang tumigil sa pagsuntok, parang walang anumang nangyari na umalis si Lungay.
Sa ospital nagkaroon ng sugat na kailangang tahiin ng limang stitches sa mukha ang bata at tatlong ngipin ang natanggal.
Nadakip naman sa kabilang barangay si Lungay matapos na manuntok naman umano ng ibang tao.
Sinasabi ng magulang ni Lungay na may deperensiya sa pag-iisip ang kaniyang anak at dati umanong gumagamit ng droga kaya na-rehab at patuloy umano na umiinom ng gamot.
Pero desidido ang pamilya ng bata na ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban kay Lungay. --FRJ, GMA News
