Patay sa pamamaril ang isang radio broadcaster sa La Castellana, Negros Occidental, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng kaugnayan ng kaniyang trabaho bilang mamamahayag at empleyado ng lokal na pamahalaan sa nangyaring krimen.
“Nag-create na sila ng special task force para sa investigation. Kaugnay po nito, dalawang anggulo po ang tinitignan,” ayon kay Tuaño.
“Kung ito po ay work-related bilang media man or work-related bilang job order ng Himamalaynan local government unit,” dagdag niya.
Binaril at napatay si Julito “Jaz” Diamante Calo, 49-anyos, noong March 20 sa Sitio Lapak Kawayanan, Barangay Robles, La Castellana.
Program host si Calo ng “Waswasanay sa Quinto Distrito” sa 88.3 DNN News FM.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakatayo sa labas ng bahay si Calo nang lapitan siya ng salarin na sakay ng white SUV at binaril siya sa ulo na sanhi ng agad niyang pagkamatay.
“The PNP condemns in the strongest terms the killing of a broadcast journalist in Negros Occidental. We assure the public and the media community that we will look closely into this case to arrest and charge all those involved in this senseless killing,” ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
Idinagdag ng PNP, na nakikipagtulungan sila sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) sa isinasagawang imbestigasyon para masuri ang banta sa kaligtasan ng mga taga-media.
“The Task Force is fully committed to ensuring that justice is served. We have already coordinated with local law enforcement agencies to prioritize and expedite the investigation of this case,” saad sa pahayag ng PTFOMS na pinamumunuan ni Executive Director Jose Torres Jr.— Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

