Hulicam kung paano ninakawan ang isang tricycle ng karga nitong gasolina sa Bulacan.
Ayon sa ulat sa 24 Oras Weekend, makikita sa CCTV ang isang rider na umaaligid sa tricycle na nakaparada sa harap ng kapilya.
Bumaba ang rider at nilapitan ang tricycle bitbit ang isang puting container.
Matapos ang ilang minuto, umalis na uli ang lalaki, at makikitang may laman na ang container.
Ayon sa may-ari ng tricycle, saktong kaka-full tank lang niya dahil ginagamit niya ito para maghatid ng anak. Hindi na niya irereklamo ang pagnakaw sa otoridad; pinost na lang niya ang video bilang babala sa mga posibleng maging biktima ng ganitong modus. — BM GMA Integrated News
