Pinaghahanap ngayon ang isang lalaki na gumagamit umano ng hipnotismo para makapambiktima at sumama sa kaniya ang mga batang babae sa Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV na magkasama ang lalaking nakabisikleta at isang 8-anyos na babae hapon ng Marso 11.

Pero sa malapitang anggulo, makikitang nagnanakaw na pala ang lalaki, na kinukuha mula sa baywang ng batang babae ang cellphone at nakaipit na P1,000 nito.

Sinabi ina ng bata na nanghingi ng pera ang anak at nagpaalam na bibili ng merienda sa tapat ng kanilang bahay.

Ngunit makaraan ang kalahating oras, bumalik ang bata na umiiyak na.

Nagpanggap umano ang lalaki na kakilala nila ito.

“Sumama daw po siya, isosoli ‘yung plantsa namin. Ang pangalan daw, Toper. ‘Yun daw po ‘yung binanggit sa kaniya,” sabi ni alyas “Grace,” nanay ng biktima.

Galing sa Oroquieta, naglakad ang lalaki at biktima papunta sa P. Guevarra Street, at kinuha ng kawatan ang aabot sa P9,000 halaga ng cellphone at pera ng bata.

Mapanonood pa sa video na may hawak na karton ng bata, habang pinipilit ng lalaki na maiwan ito sa bangketa. Napapayag ng lalaki ang bata na huwag sumunod sa kaniya sa hindi malamang dahilan.

Umaga naman ng Marso 19 nang makunan din ang lalaki sa bahagi naman ng Punta, Santa Ana, Maynila. Magkagaya sila ng damit at sombrero ng lalaking nagnakaw sa Santa Cruz.

Sinundan niya ng tingin ang 11-anyos na babae na bibili lang ng ulam noon sa karinderiya.

Nilapitan niya ang bata pero umalis din kalaunan. Hinintay pala niya sa kanto ang bata at kalaunan, kasama na niya itong naglalakad.

Hanggang sa isang kakilala ang nakakita sa bata habang nakasakay na sa bisikleta ng lalaki.

Nag-alala ang kakilala matapos makitang inaamoy-aamoy ng lalaki ang buhok ng bata.

“Tinanong niya, ‘Kilala mo ba ‘yan?’ ‘Hindi.’ Pinababa niya ngayon ‘yung anak ko. Nilagay sa gilid, hinawakan niya,” sabi ng ama ng bata.

Ang lalaki, agad namang tumakas.

Sinabi ng barangay na kagaya sa nangyari sa naunang biktima, nagkunwari ring kakilala ng lalaki ang nanay ng bata.

May ginawa rin umano ang lalaki kaya tuluyan niyang napasama ang biktima.

“Parang hipnotismo. Noong pumitik na ganiyan na ‘Susunod ka na, susunod ka na, hali ka na!’ Sumunod na lang din daw siya,” sabi ni Kagawad Edwin Zambrona ng Barangay 905.

Nagkuwento rin ang isa pang magulang na nabiktima rin ng kaparehong lalaki ang kanilang 9-anyos na anak na babae noong 2022.

Bumalik ang galit ng magulang sa lalaki matapos mapanood sa balita ang sinapit ng iba pang biktima.

Napapayag umano ng lalaki ang bata na sumama sa kaniya papunta sa isang eskinita.

“Hinipuan niya ng ilang beses. Dinakma ‘yung ***. Isa lang ang ano ng katawan niya, pati sombrero niya, mula nang mahipuan niya ‘yung anak ko noong matagal na, ‘yun pa rin ang sombrerong gamit niya. Hanggang ngayon ganu’n pa rin,” sabi ng tatay ng bata.

Sinabi ng mga magulang ng mga biktima na nag-iwan ng trauma sa kanilang mga anak ang nangyari.

Nanawagan sila sa pulisya at lokal na pamahalaan na madakip ang lalaki para hindi na makapambiktima pa.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makunan ng panig ang Manila LGU at Manila Police District. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News