Inanunsyo ng SexBomb Girls kung saan at kailan gaganapin ang inaabangang “Round 6” ng kanilang patok na “Get, Get Aw” concert.
Sa Instagram, inihayag ni Rochelle Pangilinan na gaganapin ang susunod nilang concert sa Abril 30, sa ganap na 8:00 pm sa SMDC Open Grounds sa Parañaque City.
Sa kasalukuyan, hindi pa inilalabas ang petsa ng bentahan ng tickets at ang magigng mga presyo nito.
Nauna nang nagsagawa ang SexBomb Girls ng reunion concert sa Araneta Coliseum noong Disyembre 4, na sinundan ng pangalawang show sa SM Mall of Asia Arena noong Disyembre 9.
Ang ikatlo, ikaapat, at ikalimang shows ay ginanap din sa MOA Arena noong Pebrero 6, 7, at 8.
Sumikat ang SexBomb Girls sa pagiging bahagi ng isang noontime TV variety show. Kalaunan, bumida rin ang grupo sa afternoon soap na “Daisy Siete” at naging recording artists din.
Kilala ang SexBomb Girls sa kanilang mga dance hits na “The Spaghetti Song” at “Halukay Ube.”
Bukod kay Rochelle, ilan sa mga miyembro nila ay sina Jopay Paguia, Mia Pangyarihan, Aira Bermudez, Sunshine Garcia, Aifha Medina, Weng Ibarra, at iba pa.—Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News

