Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1 provisional increase sa minimum fare sa mga pampasaherong jeepney na bumibiyahe sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog.

Gayunman, hindi pa pormal na inilalabas ng LTFRB ang kautusan para sa pagtaas ng P1 sa singil sa unang apat na kilometro ng biyahe ng mga jeepney.

Sa ginanap na pagpupulong nitong Miyerkoles, P2 dagdag na singil sa pasahe ang hinihiling ng mga transport group na umaangal sa malaking nababawas sa kanilang kita dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel na ginagamit sa kanilang sasakyan.

Habang hindi pa naaprubahan ang kanilang petisyon para sa P2 dagdag-singil sa pasahe, hiniling ng abogado ng mga transport groups na Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (FEJODAP) at Liga ng mga Transportasyon at Operator sa Pilipinas (LTOP), na pagkalooban muna ang mga tsuper ng provisional fare increase.

Ayon kay ACTO President Efren de Luna, dapat lang na ibigay ng LTFRB ang kanilang hiling dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

"Noong mag-file kami ng petition ang halaga pa lang ng diesel P32 per liter pero ngayon umaabot na ng P44 per liter," paliwanag niya.

Maliban sa mga tsuper ng jeepney, humihirit din ng dagdag-singil sa pasahe ang iba pang pampublikong sasakyan tulad ng taxi at UV Express.— FRJ, GMA News