Pinatunayan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na wala silang pinipili sa kampanya laban sa mga iligal na nakaparada matapos na masampolan ang ilan nilang tauhan sa Cloverleaf sa Balintawak, Quezon City. Ang isang police mobile sa Pasay City, hinatak din.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing naabutan ng MMDA ang mga motorsiklo ng kanilang mga constable na ilegal na nakaparada sa kalsada.
Bukod sa tiket, sinermonan at pinagsabihan din sila ni Bong Nebrija, commander ng Task Force Operation ng MMDA, na dapat maging mabuting halimbawa sa mga motorista.
Samantala, isang police mobile na iligal na nakaparada ang hinatak din ng MMDA sa Pasay City.
Sa Mandaluyong, nagsagawa rin ng operasyon ang MMDA laban sa mga sasakyang nakakasagabal sa daloy ng trapiko sa tapat ng isang malaking unibersidad sa Mandaluyong. -- FRJ, GMA News
