Nasamsam ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ang apat na kilong marijuanang nagkakahalaga ng halos P500,000 mula sa mga suspek sa Novaliches, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.

Ayon sa ulat sa News TV Live nitong Sabado, narekober ang marijuana mula sa online seller na si John Paul Sabillo sa Barangay San Bartolome.

Nakabili ng P4,000-halagang marijuana ang isang poseur buyer bago naaresto si Sabillo.

Inaresto rin ang lima pang kasama ni Sabillo, kasama ang isang menor de edad.

Inamin ni Sabillo na isang buwan na siyang nagbebenta ng marijuana at siya'y natukso lamang sa malaking kita. Sa Kalinga daw niya kinukuha ang supply ng marijuana.

Kakasuhan ang limang suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang ang menor de edad ay ite-turn over sa Department of Social Welfare and Development. —KG, GMA News