Pinawi ng Malacañang ang mga pangamba na baka gamiting basehan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sunod-sunod na pagpatay sa ilang lokal na opisyal para ideklara ang batas militar sa buong bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni presidential spokesperson Harry Roque sa press conference nitong Lunes, para pasinungalingan ang hinala ng oposisyon sa pangunguna ni Senador Francis Pangilinan, presidente ng Liberal Party, na maaaring planado ang pagpatay sa mga lokal na opisyal para makalikha ng "atmosphere of lawlessness to justify a strongman rule."
Sa nakalipas lang na isang linggo, tatlong lokal na opisyal ang pinaslang— sina Mayor Antonio Halili ng Tanauan City, Batangas; Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija; at Vice Mayor Alexander Lubigan ng Trece Martires, Cavite.
"Senator Pangilinan is a lawyer himself. He should know that even if there is lawlessness there cannot be a nationwide imposition of martial law," sabi ni Roque.
"Kahit ilan pa yang patayan na iyan, kung walang rebelyon at walang pananakop, wala pong dahilan para magkaroon ng martial law sa buong Pilipinas," sabi pa niya.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, may kapangyarihan ang Pangulo na magdeklara ng martial law kapag nasa panganib ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng pananakop o rebelyon.
Ang rebelyon at banta ng extremist groups ang ginamit na basehan ni Duterte para ideklara ang batas militar sa Mindanao noong nakaraang taon na umiiral pa rin ngayon.
Ayon kay Roque, may iba't ibang anggulo ang tinitingnan ng mga awtoridad sa mga nangyaring pagpatay sa mga lokal na opisyal.
"There is no system behind the killings, but the common obligation of the state is to accord justice and, of course, the domestic remedy to all victims of these killings," sabi ng opisyal.
Maging sina Senate President Vicente Sotto III at ang pinalitan niyang lider ng Senado na si Senador Aquilino "Koko" Pimentel III, hindi rin naniniwala na gagamitin ni Duterte na basehan ang karahasan sa mga lokal na opisyal para sa pagdedeklara ng martial law.
"I don't think so. The atmosphere doesn't call for it," ani Sotto. "Hindi naman bago ang maraming away sa local. Matagal na 'yan, even during and after martial law talagang mainit ang local politics sa atin."
Ayon naman kay Pimentel, hindi umano papayagan ni Duterte na may isasakripisyong buhay para lang sa martial law.
"No way that lives will be sacrificed just so the president can impose martial law nationwide. Hindi po tayo ganyan at hindi rin ganyan ang presidente po natin," giit ng senador, na nais na magkaroon ng mas mahigpit na kampanya laban sa mga hindi lisensiyadong armas.
"Itong mga smuggled na magagandang kotse sinisira natin, eh di yung mga confiscated na mga baril sirain din natin hindi sa pine-preserve at nire-recycle lang po," mungkahi niya. — FRJ, GMA News
