Dalawang lalaki na dumayo lang sa Malabon City ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa loob ng bahay ng kanilang kaibigan habang nag-iinuman.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabi ng mga awtoridad na kaagad na nasawi sa tama ng bala ang mga biktimang sina Khan Cyrell Ignacio, 18-anyos at kaibigan niyang si Jobert Cabigo,  29-anyos.

Sa imbestigasyon, nakikipag-inuman sa loob ng bahay ang mga biktima kasama ang dalawa pang kaibigan sa Barangay Tinajeros nang  dumating ang mga salarin na sakay ng motorsiklo at bigla na lang silang pinagbabaril.

Kaagad na nasawi sina Ignacio at Cabigo, habang nakapagtago naman ang dalawa nilang kasama kaya nakaligtas.

Ang kaibigan nilang babae na may-ari ng bahay, nasa banyo nang maganap ang pamamaril kaya hindi rin nadamay.

Ayon sa mga saksi, dalawang lalaki at isang babaeng sakay ng motorsiklo ang mga suspek.

Nakunan sa CCTV ng barangay ang pagdaan ng mga suspek sa isang kalsada habang sakay ng motorsiklo. Hindi pa malinaw kung bago o matapos ang krimen nang makunan ng video ang mga suspek.

Palaisipan sa mga pamilya nina Ignacio at Cabigo ang motibo sa ginagawang pagpaslang sa dalawa. Wala umano silang alam na kinasangkutang gulo o ilegal na gawain ng mga ito.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.-- FRJ, GMA News