Isang lalaking kumakain ng balut ang namatay habang limang iba pa ang sugatan matapos silang araruhin ng isang pick-up truck sa Zamboanga City, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Balitanghali nitong Martes.

Kinilala ang driver ng pick-up truck na si Abdel Asis Alfad, na agad namang nahuli ng mga pulis at ngayo'y nahaharap sa reklamong imprudence resulting in homicide and serious physical injuries.

Ayon sa ulat, nag-stopover ang biktimang si Mac Jasyon Astillero, kasama ang ilan pang kabataan, sa gilid ng kalsada para kumain ng balut nang araruhin sila ng humaharurot na pick-up truck.

Nawasak ang harapang bahagi ng sasakyan habang nagkapira-piraso rin ang mga upuan at nagkalat ang basag na bote.

"Meron tayong victims na anim. Six victims and one of them died instantly. Then, two of them from this place na seriously injured," ani Barangay Chairman Hamid Rojas.

Sa ngayon, nagpapagaling pa sa ospital ang mga sugatan.

Nagulat na lang ang tiyahin ni Astillero na si Lucy Montilla nang malaman ang balita.

"Naubusan na siya ng dugo. Tagal man siya na... kuwan, ng doktor. Naubusan na siya ng dugo," ani Montilla.

Depensa ng driver, nawalan ng preno ang minamaneho niyang truck. —Maia Tria/KBK, GMA News