Bumagsak sa kalsada at nasawi isang pulis na sakay ng kaniyang motorsiklo nang paputukan siya mula sa likuran ng salarin na nakamotorsiklo rin sa Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "Saksi" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Police Officer 2 Joel Padrejuan, 35-anyos, miyembro ng anti-crime unit ng Manila Police District Station 4.

Kabilang umano sa ino-operate ng biktima ang mga may kinalaman sa ilegal na pasugalan at droga.

Sa CCTV, nakunan si Padrejuan na sakay ng kaniyang motorsiklo nitong Martes ng hapon at binabagtas ang kahabaan ng G. Tuazon St. sa Sampaloc nang sundan siya ng salarin na nakamotorsiklo rin.

Galing umano sa isang fastfood ang biktima at pabalik na sa kanilang bahay nang bigla siyang barilin mula sa likuran ng salarin.

Ayon sa pulisya, kaagad namatay si Padrejuan matapos magtamo ng mga tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril.

Isang residente rin ang nadaplisan ng bala pero ligtas na.

Ayon sa mga kaanak, walang nabanggit sa kanilang si Padrejuan na banta sa kaniyang buhay.

Inilarawan nila ito na mabait na anak at nag-aalaga sa inang may sakit ang.
Nanawagan sila sa gobyerno na mabigyan ng hustisya ang biktima.-- FRJ, GMA News