Naging madugo ang anti-drug operation ng mga awtoridad sa magkakatabing bahay na nasa ibabaw ng dagat sa Bacoor, Cavite na ginagawa umanong batakan ng droga. Ang mga droga, itinatago pa mismo sa dagat.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang surveillance video ng Bacoor police sa magkakatabing drug den sa Barangay Alima sa nabanggit lungsod na lantaran ang bentahan ng droga.
Nakatirik ang mga bahay sa ibabaw ng dagat na ginamitan ng pinagdudugtong na mga tulay na kawayan.
Nang makumpirma ang iligal na gawain sa lugar, isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Bacoor police, SWAT at PDEA-Cavite ang kanilang anti-drug operation.
Pero hindi naging madali ang pagsalakay ng mga awtoridad dahil sa makikipot na daanan. Dahil may suporta ng mga pulis na nasa bangka, may mga nagtangkang tumakas sa pagdaan sa ilalim ng mga bahay.
Nasundan na ito ng mga putok ng baril na nagsulta sa pagkakapatay sa mga suspek na sina Diowie Concepcion alyas Asyong, Harries Iso, at isang 'di pa kilalang lalaki na kilabot din umanong operator ng mga drug den sa lugar.
Naaresto naman ang mahigit 24 na umano'y pusher at user sa lugar.
"Wala silang oras na pinipili, kung sino-sino ang pumupunta rito para bumatak. Natatakot talaga kami," ayon sa isang residente.
Ayon kay Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor police, ngayon lang napasok ang lugar at kadalasang mga driver ang mga parokyano sa mga drug den.
Natuklasan din ang mga droga na itinatago at inilulubog sa dagat para hindi madaling makita.
Bukod sa mga baril at drug paraphernalia, narekober ng mga awtoridad sa lugar ang mga pakete ng shabu na tinatayang aabot sa P1 milyon ang halaga. --FRJ, GMA News
