Mga miyembro ng 2nd Special Forces Battalion Philippine Army ang nagkumpuni ng ilang classroom sa probinsiya ng Sulu. PHOTO BY: 2nd Special Forces Battalion
Mga miyembro ng 2nd Special Forces Battalion Philippine Army ang nagkumpuni ng ilang classroom sa probinsiya ng Sulu. PHOTO BY: 2nd Special Forces Battalion

OMAR, Sulu - Madalas naririnig at napapanood natin sa mga balita ang mga karahasan sa probinsya ng Sulu dulot ng mga armadong grupo. Dahil dito ay apektado ang kalakal sa lalawigan. Apektado rin ang edukasyon ng mga kabataan.

Ang bayan ng Omar ay  isa sa mga malalayong bayan ng Sulu. Bukod sa kulang ang mga kagamitan, ilang paaralan dito ay nasira din ng digmaan gaya ng Lahing-Lahing Elementary School kung saan bakas pa ang mga tama ng bala mga pader nito.

Sa tulong ng 2nd Special Forces Battalion ng Philippine Army sa pangunguna ni Col. Jess Montoya ay napag desisyunan na i-renovate ang mga classroom.

Wala silang pondo, kaya humingi siya ng tulong sa mga kaibigan sa University of the Philippines Upsilon Sigma Phi Fraternity at sa ilang reservists ng Philippine Army.

Nitong nakaraang Linggo ay masayang binuksang muli ang paaralan. Halos bago ang mga gusali at may mga bagong arm chairs na magagamit ng mga batang magaaral.

Sa tulong naman ng iba pang NGO ay binigyan rin ang aabot sa 300 bata ng school supplies at grocery items.

Walang mapag lagyan ng kasiyahan ang mga bata, mga magulang at ang mga guro. Hindi na raw sila magka-klase sa ilalim ng mga puno. Hindi na raw sila mababasa kung umuulan.

 

Isang classroom na kinumpuni ng mga sundalo pwede na magamit ng mga estudyante. PHOTO BY PEEWEE BACUÑO
Isang classroom na kinumpuni ng mga sundalo pwede na magamit ng mga estudyante. PHOTO BY PEEWEE BACUÑO

Namigay ng ice cream ang 2nd Special Forces Battalion tuwang-tuwa ang mga bata ngayon lang sila naka tikim nito.

Ayon kay Col. Jess Montoya, pipilitin raw nilang mapuntahan at tulungan ang mga lugar sa Sulu na nangangailangan ng kalinga.

Kahirapan at problema sa edukasyon ang mga pangunahing problema sa Sulu kung kaya ito ang naisipan nilang gawin bukod sa pagtugis sa mga bandido.

Malaki rin raw ang maitutulong nito sa kapayapaan sa Sulu dahil mawiwiling mag aral ang mga bata. Sa tulong raw ng mga NGO ay maipagpapatuloy nila ang gawaing ito. — BAP, GMA News