Iniimbestigahan na ng pulisya ang nangyaring pananakit sa dalawang traffic enforcer ng Barangay Magallanes sa Makati ng mga motorista na kanilang sinita. Kabilang sa mga iimbestigahan si Arnold Padilla, na dati na umanong inirereklamo sa barangay.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang kuha ng CCTV sa Barangay Magallanes, sa kanto ng gate 1 at Edsa northbound dakong 1:00 pm noong Lunes nang sitahin at parahin ng mga barangay traffic enforcer ang isang itim na kotse at kasunod na puting SUV.
Sinita ang naturang dalawang sasakyan dahil nagtuloy-tuloy umano ang mga ito kahit nakapula ang traffic light.
Nagbaba ng bintana ang pasahero sa likod ng itim na kotse at nakipagdiskusyon sa mga enforcer. Para maiwasan umano ang gulo, sinabi ng mga enforcer na pinayagan na nilang umalis ang grupo pero bumaba ang isang sakay na babae at sumunod na ilang lalaki.
Isang lalaki na sinasabing bodyguard ni Padilla na si Bernabe Casido ang nanuntok umano sa isang enforcer.
Ang babaeng kasama ng grupo na si Glocelle Razon, na sinasabing asawa ni Padilla, binatukan naman umano ang isang enforcer.
"Bigla po akong binanatan, sinapak po ako," ayon sa enforcer. "Sinusugod po ako ng limang katao, mga bodyguard po ni Arnold Padilla."
Pahayag naman ng isa pang enforcer, dalawang beses siyang binatukan ng babae.
Nang tanungin siya kung ano ang naramdaman niya nang sandaling iyon, tugon niya, "Siyempre po masakit kasi nakauniporme po ako, ampangit naman pong tingnan. Saka sa kalsada po."
Ayon sa ulat, sinubukan ng GMA News na kunin ang panig nina Padilla, na residente sa Magallanes village, pero sinabi ng nagpakilalang tauhan nila sa bahay na wala doon ang kanilang amo.
Hindi man direktang sangkot sa pananakit si Padilla sa mga enforcer, napag-alaman naman na hindi bababa sa 30 ang nai-blotter na reklamo laban sa kaniya sa barangay Magallanes.
Sa insidenteng noong April 30, 2015, dinuraan, ininsulto at binantaan umano ni Padilla ang isang security guard na aawat sana sa kaguluhan na sangkot din umano si Padilla.
Maliban sa mga security guard, may mga kapwa-residente rin umano sa barangay na pinagbantaan ni Padilla.
Ang pulisya, nagsimula na raw na mag-imbestiga tungkol kay Padilla at sa mga kasama nito kasunod nang inihaing reklamong direct assault against a person in authority at physical injuries laban sa kanila.
Mayroon ding kontra-demanda na physical injuries na inihain laban sa mga bantay-bayan enforcer.
"We will dig deeper into this kasi parang lumalabas takot nga daw 'yung mga residente doon dito kay Arnold Padilla," ayon kay Sr. Supt. Rogelio Simon, hepe Makati police. "Siguro kung kailangan mag-apply ng search warrant for them o arrest we will do it."
Sabi pa sa ulat, noong October 2013, kinasuhan sa Department of Justice si Padilla at ang kaniyang ina na si Arlene ng reklamong murder at frustrated murder kaugnay ng pagpatay sa kapatid niyang si Yvonne Chua noong 2010.
Namatay ang biktima noong December 29, 2010, matapos niyang buksan at sumabog ang isang regalong naglalaman ng limang granada na pinadala sa kaniyang bahay sa Taguig.
Nasugatan sa naturang insidente ang anim na taon gulang niyang anak.
Sa reklamong inihain sa DOJ, sinabi ng pinsan ni Arnold na si Manuel Padilla na ang mag-ina umano ang utak sa pagpatay kay Yvonne.
Itinanggi naman ng mag-inang Arlene at Arnold ang naturang akusasyon.-- FRJ, GMA News
