Patay ang isang barangay secretary sa Maynila matapos siyang pagbabarilin ng isang lalaking nakamotorsiklo sa tapat pa mismo ng mataong barangay hall kung saan maraming bata ang naglalaro.
Ang sekretarya, sinabing galit daw sa mga nagdo-droga.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita," makikita sa CCTV na nakaupo ang sekretarya ng Brgy. 314 na si Julio Turla sa gilid ng kanto ng Teodora Alonzo at Lope de Vega Street nitong Miyerkoles pasado 2 p.m.
Maya-maya pa, dumating ang isang lalaking nakamotorsiklo, nag-U-turn at pumarada.
Pinuntahan niya si Turla at nang makalapit, bigla niyang pinagbabaril ang biktima hanggang sa mapatay.
Matapos nito, agad tumakbo ang salarin papunta sa kaniyang motor at humarurot paalis.
Ayon kay Azucena Aure, kagawad ng Brgy. 330 Zone 33, matagal na niyang kilala si Turla na dati ring kagawad.
"Hindi talaga gumagamit, galit nga 'yan sa mga nagda-drugs... Two years ko yang kapitbahay," sabi ni Aure.
Kasalukuyang nag-iimbestiga ang mga awtoridad sa pagpaslang sa sekretarya. — Jamil Santos/MDM, GMA News
