Arestado ang isang lalaki matapos suhulan ang operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Quezon City kapalit ng kalayaan ng kanyang kapatid na nahuli sa buy-bust operation kagabi.

Sa video ng SDEU, kita ang pagpasok ni Jonathan Prodigalidad sa isang opisina sa La Loma Police Station.

May kinuha siyang papel sa bulsa ng pantalon kung saan nakabalot ang P25,000.

Agad siyang inaresto ng pulis.

Si Jonahan ay kapatid ng drug suspek na si Isagani na naaresto sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Sto. Domingo kagabi.

P300 halaga ng shabu ang nabili ng operatiba kay Isagani at nakuha sa kanya ang anim na sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon sa pulisya, nangyari ang panunuhol ilang minuto matapos dalhin sa police station si Isagani.

“After madala si Ganni dito sa police station sumunod naman itong si Jonathan then lumapit siya sa isang operatiba natin and allegedly inaalok niya ito ng pang-areglo,” ani Senior Inspector Kenneth Louie Leaño, hepe ng SDEU.

Depensa ni Jonathan, ipinaabot lang sa kanya ang pera ng kanyang hipag na si Salve Yacap.

“Hindi naman po ako sir ang kausap nun. Bale inutusan lang po ako ng asawa po. Pagdating po rito sir hinuli na po nila ako,” ani Jonathan.

Si Isagani naman, hindi raw alam na sinuhulan ng kanyang kapatid ang mga pulis.

Mahaharap si Jonathan sa kasong corruption of public officials.

Kakasuhan naman si Isagani ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — BAP, GMA News