Dahil sa ito'y mas mura, mas mabilis nauubos ang mga frozen na isda at seafood kaysa sariwa sa ilang pamilihan sa Paranaque City. Ngunit nang mabalita ang mga umano'y imported na isda na nilalagyan ng formalin, naging matumal ang bentahan ng mga nasabing produkto.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News "Balitanghali Weekend" nitong Sabado, sinabing hindi lamang frozen galunggong ang mabibili sa Bulungan Seafood Market, kundi pati mga frozen salmon, tamban at pusit.

Madaling matukoy ang mga frozen na produkto dahil kadalasan silang nakalagay sa mga kahon.

Sinabi ng mga tindera sa seafood market na matagal na silang nagbebenta ng mga isdang frozen na karamiha'y mula pa sa China at kinukuha nila mula sa Navotas fishport.

Sampung taon nang tindera si Brenda Rosales sa Bulungan Seafood Market, na nagbebenta ng frozen isda dahil ito ang kanilang pambawi kapag panahon ng tag-ulan at mabagal ang supply ng sariwang isda na huli sa mga dagat sa Pilipinas.

"Ngayon sa frozen mas mabilis nauubos sa frozen kaysa sa sariwa eh. Mas mura kasi. Mahal ang sariwa namin," sabi ni Rosales.

Ganito rin si Kai Aquino na walong taon nang nagbebenta ng frozen na isda na ligtas naman daw kainin.

Ngunit naapektuhan ang kanilang benta dahil sa ulat na pag-iimport ng frozen galunggong ng gobyerno, at pagkakaroon ng formalin sa ilang imported na isda.

"Simula nang mabalita, tumumal kami. Parang nasiraan ang frozen, matagal na kaming nagfo-frozen eh," sabi ni Aquino.

Nasa pagitan ng P30 hanggang P40 ang itinaas umano ng presyo ng sariwang isda sa loob ng nakaraang isang buwan.

Tinatayang nasa P100 hanggang P120 kada kilo ang sariwang salmon, pero mas mura ang frozen salmon na nagkakahalaga ng P80 per kilo.

Ang galunggong naman ay nasa P140 hanggang P150 kada kilo kapag sariwa, ngunit mas mura ng P20 kapag frozen sa halagang P120.

Halagang P80 kada kilo ang sariwang tamban, pero P70 per kilo kapag frozen.

P120 ang kada kilo ng sariwang salay, habang P75 naman ang frozen.

Ang hiwas naman ay pantay lamang ang presyo ng sariwa at frozen na nasa P70 per kilo, pati ang tulingan na ang sariwa at frozen ay parehong P110 per kilo.

Ang sariwang pusit, 300 per kilo ang halaga, pero mas mura ang frozen sa P200 per kilo lamang. — Jamil Santos/MDM, GMA News