Patay ang dalawa umanong gunrunner matapos makipagbarilan sa mga pulis nang matunugang mga pulis ang kanilang katransaksyon at magpaputok sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita sa CCTV na naghihintay ang mga suspek sa Road 10 bandang alas-dos ng madaling-araw upang magbenta sa mga bibili ng mga armas.
Nang dumating ang mga tauhan ng CIDG-Manila na nagpanggap na buyer, pinaputukan sila ng mga suspek, kaya sila napaatras umano.
Tumakas ang mga suspek na binuweltahan naman ng mga backup na mga pulis.
Sinabi ng CIDG-Manila, nakatakda sana silang bumili ng loose firearms —isang kalibre .38 sa halagang P4,000; at kalibre .45 na P12,000.
"Kahapon hindi natuloy, and then kanina tumawag sa akin si Major Briones na ngayon nga raw itutuloy na. So itong mga suspek nga raw na ito ay manggagaling pa somewhere in Navotas or Malabon," ayon kay Superintendent Jay Dimaandal ng MPD Station 1.
"Nagkaamuyan ng operatiba natin at 'yung alleged katransaksyon nila at doon nag-start ... nagkaputukan hanggang sa umabot dito sa lugar sa Barangay 128," pahayag ni PCI Piño Briones, chief ng CIDG-Manila.
Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek at kanilang background upang matukoy ang sindikatong kinabibilangan nila at kung saang lugar sila nagbebenta.
"We're after sana na makuha man sana 'yung sources nila kasi as we all know hindi pa rin natitigil basta-basta yung proliferation ng illegal firearms sa Metro Manila," ayon kay PCI Niño Briones, hepe ng CIDG-Manila.
Nakuha sa tabi ng bangkay ng mga suspek ang tig-iisang kalibre .38 na baril. —Jamil Santos LBG, GMA News
