Nag-alok ng P500,000 si Manila mayor Isko Moreno kapalit ng pagsuko ng rider ng motorsiklo na kasama ng suspek na bumaril at pumatay sa dating security aide ng alkalde noong Linggo.
Sa kaniyang Facebook account, ipinaalam ni Moreno ang kaniyang alok sa rider, at maging sa mga kamag-anak nito upang sumuko at tumulong para mahuli ang iba pa niyang kasamahan sa ginawang pagbaril at pagpatay sa biktimang si George Capistrano, na dating pulis.
Pauwi na si Capistrano sakay ng kaniyang motorsiklo sa Barangay 134 sa Balut, Tondo, nang harangin siya ng dalawang suspek na sakay din ng motorsiklo.
Binaril ng angkas na suspek ang biktima at kinuha ang ilan niyang gamit o alahas bago tumakas.
Ayon kay Moreno, bukod sa P500,000, tutulungan niya ang rider na suspek na makapasok sa Witness Protection Program (WPP), kapalit ng pagturo sa gunman at sa iba pa nilang kasamahan na sangkot umano sa ilang insidente ng robbery-holdup sa Metro Manila.
Gayunman, sinabi ni Moreno na mayroon lang 48 oras ang rider na suspek para gawin ang pagsuko.
Patuloy din ang isinasagawang pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspek. — FRJ GMA Integrated News
