Arestado ang 37 Pinoy na nagtatrabaho sa isang call center sa San Pedro, Laguna, na isa palang scam hub na nambibiktima ng mga matatanda at retirado sa ibang bansa.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dinatnan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation na naka-display sa ibang computer ang transaksiyon ng panloloko sa mga target nila umano sa Amerika.

β€œIt is about an establishment posing as a call center. And according to the informant, this establishment is engaging in scamming activities,” sabi ni Sally Laguardia, hepe ng NBI Human Trafficking Division

Dagdag pa ng NBI, kunwaring mga tech support ang mga empleyado ng mga malalaking tech companies at umaalalay sa mga Amerikanong may problema.

Sa likod nito, nagtatanim na sila ng malware sa cellphone ng mga target. Naka-embed ang mga malware sa mga mensaheng ipinapadala.

May isinasagawa rin silang fraudulent marketing scheme kung saan nagkukunwari silang empleyado ng isang pharmaceutical company at may hawak ng listahan ng mga umu-order ng gamot.

Matapos makuha ang perang bayad para sa gamot, naglalaho na ang mga ito na parang bula.

Kasama pa sa kanilang panloloko ang loan, debt relief scheme kung saan kunwaring mag-aalok na kalahati na lang ang babayaran sa kanilang mga loans pero tatangayin lang ang bayad at hindi tunay na mababayaran ang loans.

Kadalasan umaong biktima ng mga inaresto ang mga elderly at retirees.

Na-inquest na sa reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act at Anti-Financial Account Scamming Act ang mga suspek na wala pang pahayag sa kasalukuyan. β€”Jamil Santos/VBL GMA Integrated News