Isang 14-anyos na lalaki sa Caloocan City ang nasawi matapos na hatawin nang paulit-ulit ng dos-por-dos ng 15-anyos na kalugar niya. Ang krimen, pinanood ng ilan pang kabataan na nag-udyok pa umano sa suspek.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Rogelio Apron III, na magdiriwang sana ng kaniyang ika-15 kaarawan nitong Miyerkules.
Sa kuha ng CCTV ng Barangay 144 noong madaling araw ng Biyernes, Agosto 24, makikita si Apron na naglalakad, habang sinusundan ng suspek na may hawak ng kahoy at ilang pang kalalakihan.
Ilang sandali pa, mag-isang pinuntahan ng suspek ang biktima habang tila nanonood lang ang ilang pang lalaki at may kumukuha pa ng video.
Sa video, nakuhanan ang ilang ulit na paghataw ng suspek ng kahoy sa biktima na napabagsak na sa kalsada. Pagkatapos nito ay tumakas na ang suspek habang naiwan ang biktima na walang malay.
Nadala pa ang biktima sa ospital ngunit namatay rin kinabukasan matapos siyang ma-comatose.
"Wala siyang awa. Parang sanay siyang pumatay. In-autopsy siya talagang dito talaga 'yung tinira sa kaniya, wasak kasi 'yung ulo niya. Nnu'ng nakita ko po 'yung CCTV, hindi ko kayang tingnan," hinanakit ng ina ng biktima.
Pinaghahanap na suspek na dati na raw sakit ng ulo ng barangay.
Ayon kay Police Senior Superindendent Restituto Archangel, sasampahan pa rin nila ng kasong murder ang suspek kahit menor de edad ito.
"Ang magde-determine na du'n, korte na kung ano 'yung level of discernment niya during the commission of the crime...Based on du'n sa information namin, meron siyang motibo para gawin 'yun dahil nag-away na sila previously eh," sabi ng opisyal. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
