Dead on the spot ang driver ng isang Elf truck habang sa pagamutan naman nasawi ang sakay nitong babae matapos makasalpukan ang pampasaherong bus Lunes ng gabi.
Binabaybay ng truck ang Maharlika Highway sa Barangay Talisay sa Tiaong, Quezon, bandang 11:30 ng gabi nang makabangga nito ang isang Mega Bus Line.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Tiaong, galing Bicol ang bus at patungo sana sa Maynila habang pabalik na sa bayan ng Atimonan, Quezon, ang Elf truck mula Maynila nang magsalpukan ang mga ito.
Basag ang kaliwang bahagi ng windshield at unahan ng bus. Nawasak naman ang unahan ng Elf truck na agad ikinasawi ng driver nito. Nahulog naman ang babaeng sakay ng elf truck.
Naisugod pa sa pagamutan ang babae subalit idineklara itong dead on arrival.
Wala namang nasugatan sa mga pasahero ng bus.
Inaalam pa ng Tiaong Police kung sino ang may kasalanan sa aksidente. —Peewee Bacuño/KBK, GMA News
