Sa pamamagitan lamang ng barya, marami nang plato o damit ang mahuhugasan o malalabhan dahil sa negosyong refilling machine na nagbibigay ng instant dishwashing liquid at detergent sa Quezon City.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, ipinakilala si Mellany Zambrano, owner ng Sabon Express, na gumagamit ng isang makinang mala-ATM na tinatawag na smart blue box.
Sa halagang P5 lamang, puwede nang mag-dispense ang makina ng iba’t ibang uri ng sabon.
Bukod sa budget-friendly, may malasakit din sa kalikasan ang proyekto ni Mellany. Allergic siya sa paggamit ng single-use plastic kaya sa halip na gumamit ng sachet, isinulong niya ang paggamit ng container na paulit-ulit.
“I really believe na lahat tayo meron tayong puwedeng gawin in our own little way para makatulong sa pagbawas ng mga basura dito sa Pilipinas. Hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo. And maraming pag-aaral talaga na sabi nga nila by 2050 mas marami na daw ang plastic waste or basura sa karagatan kesa sa mga isda. So ‘yun pa lang nakakalungkot isipin,” ani Mellany.
Taong 2020 nang umpisahan ni Mellany ang kaniyang soaps and detergent manufacturing business.
Sumangguni sila sa mga eksperto para matiyak ang kalidad ng mga gagawing sabon.
“I started tapping or seeking assistance from government agencies like the Department of Science and Technology. We entered into a partnership agreement with them. So 'yung aming mga produkto, 'yung formulation, 'yung research and development, ay ginawa namin through the help of DOST ITDI,” sabi niya.
Mula sa puhunang P500,000, unti-unting lumago ang negosyo ni Mellany. Mayroon lamang noong dishwashing liquid, fabric conditioner, at liquid detergent, dumagdag na rin ang hand soap, multipurpose cleaner, car shampoo, at iba pang mga panlinis at household essentials.
Taong 2022 naman nang maisip niya ang ideya ng soap dispenser.
“Gusto ko makapag-offer ng refill pero ayoko siya 'yung tinatabo. Ayoko siya na 'yung may human contact. Dahil nga ang goal ko is makapag-offer ng refill na hygienic. Namuhunan kami sa pagde-develop ng mga dispensing units. So we spent mga around P150,000 to fabricate 'yung aming dispenser,” sabi niya.
Kung hindi naman tingi at maramihan ang gustong refill, puwede rin ito sa manual dispenser. Sa halagang P40, makabibili na ng 500 ml na dishwashing liquid.
Bukas na rin sila para sa franchising, na Sabon Express Smart Blue Box sa halagang P249,000. May kasama na itong marketing collaterals gaya ng pull-up banner at flyers.
Mayroon na rin itong inventory ng mga produkto nilang dishwashing liquid, liquid detergent, and two variants of fabric conditioner.
Kaya rin itong patakbuhin kahit nasa malayo ang may-ari dahil portal-based ang makina. Hangga’t connected online, puwedeng ma-check ang updates sa sales, inventory, at data analytics. Equipped din ito ng CCTV camera.
Sa ngayon, meron na silang branches sa Taguig, Cabuyao, Laguna, at Iloilo sa loob lamang ng tatlong buwan.
Sa kanila namang main branch sa Quezon City, nagkaroon na rin ang laundry shop.
Makikita rin ang manual at automatic refilling machine para sa franchise.
Ayon kay Mellany, kumikita na sila ng P100,000 hanggang P150,000 kada buwan. Ganoon din sa laundry.
Tinitingnan nina Mellany na maging solar powered na rin ang kanilang blue box.
“Napakahalaga na you identify a problem and you try to solve that problem. And number two, take action. Kasi napakaraming gustong magnegosyo, napakaraming nag-iisip na gusto nilang mabago 'yung buhay nila because of business, pero ang tagal-tagal nilang magplano at mag-isip kung ano 'yung gagawin nilang negosyo. Gawin mo, umpisahan mo. Kasi walang negosyong natutuloy or lumalago lang hindi inuumpisahan,” sabi niya. – FRJ GMA News
