Isang Norwegian developer ang nakunang nag-walk out, sumigaw at nagmura pa sa ginanap na public consultation sa planong data center na tinututulan ng mga residente sa Oton, Iloilo.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa ng GMA Regional TV sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagsigaw at pagmura ng Norwegian data center developer na si Daniel Stefan Robertsen sa lokal na media sa Iloilo.

“If you don’t have [a] brain. Just f***, go away!” sabi ng dayuhan.

“Do you know Philippine Privacy Law? You are not allowed to take pictures of me,” sabi pa niya sa isang video, na kuha matapos siyang mag-walk out sa public consultation nitong Biyernes.

Plano ng kaniyang kompanya na itayo ang isang 50 megawatt hyperscale artificial intelligence data center sa 10 hektaryang lupaing sakop ng dalawang barangay sa bayan ng Oton.

Bago umalis sa venue, sinabi niyang hindi niya ipagpipilitan na magtayo ng data center kung tutol ang mga residente.

Nag-walk out si Robertsen dahil sa pagtutol ng mga residente sa posibleng epekto ng AI data center sa lugar tulad sa supply ng tubig.

Inihayag ng mga nakatira roon ang pangamba na mawalan sila ng tirahan at kabuhayan kahit nakikitang makalilikha ng mga trabaho at iba pang negosyo ang pagtatatag ng data center sa lugar.

“Lilipat na naman kami? Kakalipat lang namin. Ang dami pa naming pananim sa likuran,” sabi ng isang babaeng residente.

“Matagal na kami rito. Bigla lang kaming paaalisin? A.I. iyan, malaki ang epekto niyan,” sabi ng isang lalaking residente.

"Need nila na bigyan kami ng clear picture ng site development plan. Explain sa amin kung ano ang buildings na ilalagay diyan,” sabi ni Marites Eusoya, Barangay Captain ng Barangay Abilay Sur.

Maliban dito, gusto ring malaman ng Sangguniang Bayan at barangay sa isinagawang public consultation kung ano ang magiging epekto nito sa kapaligiran, sa konsumo ng tubig at kuryente, at sa pagtatakda ng zoning sa data center.

Sinabi ni Oton Vice Mayor Jose Neil Olivares, nagsumite ng proposal ang kumpanya nitong Mayo at target na maumpisahan ito bago matapos ang taon.

Kasalukuyang nasa consultation phase ang proyekto.

"Ayon kay Mr. Daniel Robertson, nakakuha na siya ng certification sa ILECO I, na maka-provide ang ILECO I. Ayon sa kaniya, may initial talk na sila ng MPIW at MIWD. Iyan ang isang concern namin na sa ilalim ng lupa kukunin ang tubig. We need a scientific study for that,” sabi ni Olivares.

“His behavior is deplorable. Hindi mo dapat murahin o bastusin ang mga Pilipino, lalo na sa sarili naming bansa… As a foreigner, he is expected to respect our people and our laws,” sabi ni Cabinet Secretary Benjamin "Benhur" Abalos.

Wala pang tugon sa kasalukuyan ang negosyante.

Dati nang may mga data center, kung saan dumadaloy at naiimbak ang mga data o digital na impormasyon sa mga computer at server nito.

Kalaunan, lumaki ang demand sa mga ito sa pag-usbong ng A.I. Takaw ito sa kuryente upang tumakbo at mapagana ang mga cooling system para hindi mag-overheat.

Sa Amerika, ipinagbawal sa New York State ang pagtatayo ng bagong data centers, samantalang ipinatigil sa Texas ang pagkabit ng mga data centers sa state power grid para ma-audit ang maging konsumo. — Jamil Santos/VBL GMA News