Inihayag ng militar ng Iran nitong Linggo ang pag-aalok sa kanilang mga kababayan ng $30,000 na pabuya para sa sinumang makapatay o makakahuli ng mga sundalong Amerikano. Ang pabuya, doble kung babae ang makakagawa.
Ayon sa state news agency na IRNA, sinabi ni Army Chief Amir Hatami na binuo ang planong ito matapos makatanggap umano ng maraming kahilingan mula sa mga gustong sumali.
Walang kumpirmadong deployment ng ground forces ang US sa Iran sa panahon ng digmaan sa Middle East, maliban sa isang rescue mission noong Abril para sa isang Amerikanong piloto na napabagsak ang kaniyang eroplano.
Hindi nagbigay si Hatami ng detalye kung saan o kailan inaasahang isasagawa ang pagpatay o paghuli sa mga sundalong Amerikano.
"Anyone who kills or captures and hands over an invading American military personnel will receive a reward equivalent to $30,000 or 5 billion tomans from the Islamic Republic of Iran's Army," ani Hatami
"Courageous Iranian women who carry out such an action will receive double the reward," dagdag niya.
Muli ring nanawagan si Hatami na umalis ang US sa Middle East at sinabing. “they no longer have permission to enter the Persian Gulf, the Gulf of Oman or the Strait of Hormuz."
Nagsimula ang digmaan ng Tehran at Washington noong Pebrero 28, nang salakayin ng United States at Israel ang Iran. — ulat mula sa Agence France-Presse/FRJ GMA News

