Isang empleyado ng Land Transportation Office (LTO) ang inaresto matapos ang insidente ng hit-and-run sa kahabaan ng Sumulong Highway sa Antipolo City na ikinasugat ng dalawang babae. Ang mga biktima, tumatawid sa pedestrian lane.
Sa ulat ni Jonathan Andal para sa GMA News “24 Oras Weekend” noong Linggo, makikita sa video footage na isang grupo ng magkakatrabaho ang tumatawid sa pedestrian lane noong gabi ng Agosto 14 nang mabangga sila ng isang sasakyan na hindi tumigil para tulungan ang mga biktima.
Sa isa pang kuha mula sa dashcam ng off-duty police officer na si Police Executive Master Sergeant Andy Evangelista, makikitang nakahandusay sa kalsada ang mga biktima habang mabilis namang umalis ang sasakyang nakadisgrasya.
Hinabol ni Evangelista ang kotse, at tumagal ng 10 minuto ang kanilang habulan bago nakorner ang suspek.
“Nagpakilala akong pulis. Sabi ko, ‘May nabangga ka doon sa may Sumulong Highway. Kanina pa kita hinahabol. Huminto ka na,’“ ani Evangelista.
“And then sinabi niya sa ‘kin, ‘Tatabi na po ako.’ Then nilapitan ko siya, sabi ko, ‘Huwag kang kikilos nang masama,’” dagdag niya.
Ayon kay Evangelista, inamin umano ng driver na nakainom ito habang nagmamaneho. Pero hindi raw niya alam na may nabangga siya.
“Ayon sa kaniya, hindi niya alam na meron siyang nabangga. Tapos nung tinanong ko rin siya kung nakainom siya, inamin niyang nakainom siya. Tinanong ko kung saan siya nakainom, somewhere in Quezon City, nasabi niya sa ‘kin,” sabi ni Evangelista.
Nakadetine ngayon ang driver sa Antipolo Police Precinct sa Cogeo pero hindi siya nagbigay ng pahayag. Mahaharap siya sa mga reklamong reckless imprudence resulting in physical injuries, at abandonment of one's own victim.
Sinabi naman ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na iniutos na niya na alisin sa trabaho ang driver at tanggalan ng driver's license.
“Kasi LTO ka na empleyado e. Alam mo ‘yung dapat na hindi ginagawa. Ang lakas ng loob nitong taong ito na magmaneho nang lasing tapos mang-hit-and-run pa,” ani Lacanilao.
“… Hindi dapat tino-tolerate ‘yung ganyan. Kung kaya natin gawin ‘yung manghuli sa ibang tao, mas kaya namin hulihin ‘yung mga tao namin,” dagdag ng opisyal.
Nagtamo ng mga galos sa katawan ang mga biktima, at patuloy na nagpapagaling matapos makalabas sa ospital.
Desidido ang isa sa mga biktima na ituloy ang kaso laban sa driver.
“Pagkabangga niya sa akin, kitang-kita ko pa tumigil siya nang kaunti. Saka siya dumere-deretso. So paanong hindi niya alam?” anang biktima.
“Government employee pala siya. LTO pa ha, na dapat alam ‘yung rules doon sa kalsada,” dagdag niya. -- Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News
