Anim na Nigerian na umano'y mga hacker at sangkot sa "love package" scam ang naaresto ng mga awtoridad nang salakayin ang kaniyang tinutuluyan sa sa Imus, Cavite.
Sa report ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, pinadapa at pinosasan ng mga tauhan ng Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation ang anim na Nigerian nang mapasok na kanilang tinutuluyan.
Nakuha sa mga suspek ang computer, wifi booster, mga pekeng ID at bank account na ginagamit umano ng grupo sa kanilang modus.
“Itong account na ito they would use this to chat [sa] mga babae. Mapo-fall in love sa kanila, then at the end of the day, magsasabi na may package sila. May tatawag sa kanilang kunwaring courier tapos mag-a-ask na before you get the package you have to pay a certain amount of taxes,” sabi ni Francis Señora, Senior Agent ng NBI Cybercrime Division.
Isa pang modus umano ng mga Nigerian ang mang-hack ng mga email ng mga kompanya sa Pilipinas maging sa ibang bansa.
“Iha-hack nila account mo. Kapag may email communication ka sa client o vendor mo, at i-inform nila yung victim na nag-iba yung bank account ng vendor. Instead sa vendor mo nababayaran mo, nada-divert sa account nila,” dagdag ng abogadong si Vic Lorenzo, hepe ng NBI Cybercrime Division.
Napag-alaman ng NBI na nakapasok ang mga Nigerian sa bansa matapos na magpanggap na mga estudyante kahit mga IT professional na.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag ng Cybercrime Prevention Act ang mga Nigerian.
Itinanggi naman nila ang paratang laban sa kanila.
“I'm not a scammer. I told you that I came to stay with them because I cannot afford to pay house rent, that's why I joined my friends,” giit ng isang suspek na si Kingsley Tochukwu Okeke.
Pinaalalahanan naman ni Lorenzo ang publiko laban sa mga hacker.
“Mag-ingat tayo sa mga email accounts po natin, ingat tayo sa password, frequently change your password, and at the same time other validations pag may online transactions,” ani Lorenzo. -- Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News
