Arestado ang isang tindero ng gulay sa Barangay Central sa Quezon City matapos umano niya gawing "sideline" ang pagbebenta ng iligal na droga.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Biyernes,
inaresto ang suspek na si Louie Carlos Enguerra sa isang buy-bust operation pasado alas dos ng madaling araw.
Narekober mula sa suspek ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu.
Nang mahuli, iginiit ni Enguerra na napag-utusan lang siya na iabot ang iligal na droga.
"Hindi po sa nagbebenta ako ng shabu, hindi po ako nagbebenta. Gulay lang po ang itinitinda ko kapag naglalako po ako," aniya.
Nang tanunging kug siya ang taga-abot, ang sagot niya, "Opo. Kapag may kumuha po."
Dati na ring sumuko sa Oplan Tokhang si Enguerra bilang drug user at nagpa-rehab na, ayon sa barangay.
"'Yan ay mga sumurrender na po sa barangay ngunit paglaya po galing rehabilitation ay binabalikan po 'yung kanilang mga gawain," ani Marissa Tenio, barangay kagawad.
Umamin din kalaunan ang suspek. "Hindi ko po maiwasan. Parang gusto ng katawan ko 'yung pakiramdam ko," aniya.
Mahaharap si Enguerra sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —Jamil Santos/KBK, GMA News
