Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang mall sa Divisoria na pinapayagan ang pagbebenta ng pekeng brand ng mamahaling bag.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, sinabing isinagawa ng mga tauhan ng ng Intellectual Property Rights Division ng NBI ang pagsalakay matapos magreklamo ang kompanya ng isang kilalang brand ng mamahaling bag.
Sa bisa ng search warrant na inilabas ng Branch 46 ng Manila Regional Trial Court, kinumpiska ang mga pekeng bag ng isang partikular na brand. Hindi naman isinama sa mga kinumpiska ang iba pang brand ng mga mamahaling bag na pineke rin.
Iginiit naman ng mga nagtitinda na hindi nila alam na bawal ang kaniyang itinitinda.
Aminado naman ang nagtitindang si Jara Oles, na mabenta sa mga mamimili ang naturang paninda.
"Paunti-unti lang naman ang pagbili isa dalawa pangsama lang sa ibang item. Kasi po 'yung ibang customer naghahanap ng ganyang item kasi po mura daw po, Sir,” ani Oles.
Kumpara sa orihinal na bag, sinabi ni Glen Ricarte, hepe ng NBI-IPRD, na mas matigas ang mga pekeng bag at mahina ang kalidad.
Nasa 20 sako ang nakumpiskang mga pekeng bag na kung orihinal ang mga ito ay aabot umano sa P70 milyon ang halaga.--Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News
