Sa pagmahal ngayon ng mga bilihin tulad ng mga gulay, may paraan para makatipid kung sa mismong bahay na lang ito itatanim. Kung papaano ito magagawa, panoorin ang video ng "Unang Hirit."
Ayon kay Mar Calipara, home gardening hobbyist, kabilang sa mga gulay na maaaring itanim sa mga paso o mga container na lalagyan ng lupa ay pechay, mustasa, talbos ng kamote, kangkong, talong, okra, at sili.
Mabilis umanong tumubo ang mga naturang gulay at maaaring anihin pagkaraan lang ng isa o dalawang buwan.
Sa hiwalay na ulat naman ni Marisol Abdurahman sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing may sarili ring paraan ang mag-asawang Harly at Gemma Oca, para makatipid sa gastos gulay dahil sila rin mismo ang nagtatanim nito sa kanilang bakuran.
Bukod daw sa libre na, nakatitiyak pa sila na sariwa ito at walang halong kemikal.
Ang kanilang tanim, okra, talong, luya, mustasa, malunggay, o siling labuyo na kabilang sa mga sumipa na ang presyo sa mga pamilihan.
Nagbigay pa ng tip si Harly sa pag-aalaga ng tanim na bukod sa pagdidilig ay dapat din umanong alisin ang mga damo na nasa paligid nito.
Pero hindi lang pala ang mag-asawa ang nakikinabang sa kanilang mga tanim na gulay kung hindi maging ang kanilang mga kapitbahay.
Ang lagi lang daw niyang bilin, pumitas lang ng kailangan pero huwag huhugutin ang halaman para manatiling buhay at tutubo.-- FRJ, GMA News
