Inihayag ni Senador Manny Pacquiao na hindi lang si Floyd Mayweather Jr. ang nasa listahan ng posibleng susunod niyang makakalaban.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes, sinabi ni Pacquiao na malaki ang posibilidad ng rematch nila ni Mayweather pero wala pa umanong malinaw na detalye.
“Wala [pang detalye], magne-negotiate pa. Kapag bumalik siya, then puwede kami maglaban. Pinag-uusapan pa,” ayon sa tinaguriang Pambansang Kamao.
“There is a possibility, malaki. Gusto niyang bumalik e, gusto niyang agawin daw ang belt ko,” dagdag niya.
READ: Mayweather: I'm coming back to fight Pacquiao
Ngayon linggo umano pag-uusapan ang detalye sa posibleng paghaharap muli nila ni Mayweather kung matutuloy.
“Ma-finalize na this week ‘yung fight, either Mayweather or somebody else, kung saan at kung kailan, anong date,” saad ni Pacquiao.
“Andyan si Amir Khan, Terence Crawford, Adrien Broner, marami namang posible,” dagdag pa ng senador.
Inamin ni Pacquiao na nagkaroon sila ng paunang pag-uusap ni Mayweather nang makita niya si Mayweather sa Japan at labis na natuwa umano ang mga tao nang makita silang magkasama.
“Nagkita kami sa Japan sa isang event. Maganda malaking laban ‘yan. ‘Yun lang nagtakbo kami ni Mayweather sa Japan e grabe na ang reaction ng fans,” kuwento ng mambabatas.
“Sabi niya ‘easy fight, easy fight.’ Sabi ko ‘let’s get it on and get back to the ring, we will fight. I have the belt’,” dagdag pa niya.
Kapag natuloy ang laban, ang kaniyang kaibigan na si Buboy Fernandez pa rin umano ang kaniyang magiging trainer.
Gayunman, ang buwan kung kailan siya muling lalaban ang isa sa mga masusing pag-uusapan dahil malabo umano siyang sumabak sa ring kapag mayroong sesyon ang Senado.
Nauna nang inihayag na posibleng sa Disyembre mangyari ang inaabangang Pacquiao- Mayweather 2.
“Pag-usapan ‘yung timing, ‘yung month, at ‘yung ibang kailangan at agreement, kondisyones,” pahayag ng senador. “Isa rin ‘yun [kailan ang laban] sa consideration natin na titingnan na hindi maapektuhan ‘yung trabaho natin. Maraming trabaho ngayon dito at may break naman ng October hanggang first week of November. Titingnan natin,”
Nangyari ang makasaysayang laban ni Mayweather at Pacquiao noong 2015.
READ: Floyd Mayweather defeats Manny Pacquiao by decision
Taong 2017 naman nang magretiro si Mayweather matapos niyang talunin sa boxing ang MMA fighter na si Conor McGregor.
READ: Mayweather to quit for good after McGregor bout.
— FRJ, GMA News
