Patay ang isang dating barangay tanod na bumili lamang ng beer sa tindahan sa Parañaque City noong Miyerkoles ng gabi.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita, kinilala ang biktima na si Jose Biona ng Sitio Maligaya, Baclaran, Parañaque City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nagpunta sa tindahan ang ex-Tanod na si Biona upang bumili ng beer dakong alas-dies ng gabi.
Matapos bumili, nakipagkuwentuhan at nakipaginuman ito sa isang kaibigan.
Sa CCTV footage ng barangay, nakitang dumating ang dalawang lalaking naka-helmet at magkaangkas sa motorsiklo. At pagdaan sa kinaroroonan ni Biona, agad na pinaputukan ang biktima ng tatlong beses.
Pahayag ng kaanak ni Biona, na ayaw humarap sa kamera, nadaanan pa ng mga tumatakas na salarin ang anak ng biktima at binato pa nito ang gunmen sa sobrang galit sa nangyari sa kaniyang ama.
Naitakbo pa si Biona sa ospital pero ideneklarang dead on arrival ng mga doktor.
Ayon sa pamilya, wala silang maisip na motibo sa pamamaril dahil wala naman umanong kaaway si Biona.
Iniimbestigahan na ng ma pulis ang insidente. —LBG, GMA News
