Arestado ang isang lalaki sa Quezon City matapos ireklamo ng panghahalay sa isang 12-anyos na anak ng kaniyang kinakasama. Ang biktima, dati na raw nagsumbong sa ina pero mas pinaniwalaan pa raw ang suspek.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, hindi nakapalag ang suspek nang arestuhin ng mga awtoridad nitong Miyerkules ng gabi sa Payatas, Quezon City.

Mismong ang biktima raw ang nagturo sa mga awtoridad sa kaniyang amain na humalay sa kaniya na ang pinakahuli ay nitong Martes lang.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Police Superintendent  Joel Villanueva, Station Commander-QCPD Station 6, naglalaro umano sa cellphone ang biktima nang halayin ng suspek.

Sa loob ng presinto ng pulisya, dumating ang ina ng biktima pero sa halip na magalit sa kaniyang kinakasama ay kaagad nitong tinanong suspek kung sinaktan ba siya.

Hinanap din niya ang pera ng suspek at ang cellphone nito.

Pero nang pumagitna ang pulis at ihinarap ang biktima, umiiyak itong itinuro muli ang suspek na gumahasa umano sa kaniya.

Ayon sa pulisya, lumalabas na hindi ito ang unang beses na nagsumbong ang bata sa sariling ina kaugnay ng panggagahasa sa kaniya ng amain pero mas pinaniwalaan ang depensa ng suspek.

Gayunman, kalaunan ay naglabas na ng sama ng loob ang ina ng biktima sa suspek.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na sinampahan ng kasong rape. -- FRJ, GMA News