Tila na-hot seat sina Kira Balinger at Josh Ford nang tanungin sila tungkol sa kanilang special connection. Maaari kayang humantong sa pag-iibigan ang maganda nilang ugnayan?
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, tinanong sina Kira at Josh, o mas kilala sa duo nilang “KiSh,” kung kailan nila nalaman na mayroon silang espesyal na ugnayan.
Ayon kay Kira, naging official duo sila ni Josh matapos ang pag-uusap nila sa hardin sa Bahay ni Kuya sa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 1.0."
"That was a very long talk, siguro mga three hours kami nag-uusap sa garden," dagdag naman ni Josh. "Grabe, sobrang heartfelt. Dun ko talaga nakilala kung sino talaga si Kira in a small amount of time."
Hanggang sa tinanong sila ng King of Talk na posible bang humantong ang kanilang pagiging magkaibigan, sa pagiging magka-ibigan.
"Of course," tugon ni Josh.
"Possible," ani Kira.
Nang magpahabol na tanong si Tito Boy kung iraranggo mula isa hanggang 10 ang posibilidad na ito, tugon ni Kira, "eight to nine."
Dagdag ni Josh, "We both have an understanding naman.”
"That we care for one other. I think 'yun 'yung pinaka foundation namin," sabi ni Kira.
Ang KiSh ang isa sa maraming fan ships na nabuo sa unang season ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition."
Bibida sina Josh at Kira ng series na "The Secrets of Hotel 88" at upcoming film na "Huwag Kang Titingin." – FRJ GMA News
