Patay na nang matagpuan ang isang lalaki sa Leganes, Iloilo na ginulpi umano ng tatlong suspek na pinagsabihan ng biktima na huwag maingay dahil sa matutulog na siya.

Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV sa GMA News Saksi nitong Huwebes, sinabing nahuli-cam sa CCTV camera ang komosyon sa entrada ng plaza sa Leganes dakong 3 p.m. noong April 8.

Pagsapit ng 5:30 p.m., natagpuan na ang katawan ng biktima sa lugar.

Ayon sa pulisya, limang araw nang nagpapalaboy-laboy sa lugar ang 29-anyos na biktima matapos umalis sa kaniyang amo sa Jaro, Iloilo.

Sa tulong ng saksi, naaresto na ang isang 19-anyos na suspek, habang hinahanap pa ang dalawa nitong kasama na parehong menor de edad.

“Pinagsabihan raw sila ng biktima na huwag maingay kasi matutulog na ang biktima sa itaas. Umoo naman ang ating arrested na suspek. Tapos sinabi niya raw sa witness natin at mga suspek na kasama niya na, ano, pag-tripan natin,” ayon kay Police Cpl. Joefel Amihan, imbestigador sa Leganes Municipal Police Station.

Sasampahan umano ng reklamong murder ang mga suspek, ayon kay Amihan. – FRJ GMA News