Bagaman mabilis ang pagbabayad o pagpapadala ng pera via digital o e-wallet, malaking problema naman ang pagbawi kung sa maling account naipadala ang pera. Dahil real-time na napo-proseso ang fund transfers sa mga bangko at e-wallet, naglabas ang mga regulator ng mga dapat na gawin ng mga consumer upang subukang mabawi ang kanilang pera kung naipadala sa maling account.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), dapat na kaagad i-report ng mga user ang mga maling transfer o pinagtatalunang transaksyon sa kanilang bangko o e-wallet provider. Ang agarang aksyon ay nakatutulong umamo para mas mabilis na mahanap ang transaksyon at mabawi ang pondo.

ALAMINAno ang dapat gawin kung nag-withdraw sa ATM pero walang lumabas na pera at nakaltasan ang account mo?

Sinabi rin ng BSP na ang mga reklamo o pagtatalo tungkol sa fund transfers o hindi umano awtorisadong transaksyon ay dapat ihain sa kinauukulang bangko o e-wallet, o sa originating financial institution (OFI).

Para sa mga maling transaksyon o fund transfer na ginawa ng account holder sa ibang payee account na hindi ang talaga dapat na tumanggap ng pera, sinabi ng central bank na dapat itong i-report kaagad sa OFI.

Dapat nakasaad sa report ang mga sumusunod:

  • pangalan ng nagbayad (payor),
  • contact number,
  • ang account kung saan nanggaling ang bayad,
  • detalye ng account ng tumanggap (payee),
  • halaga ng transaksyon, at
  • petsa at oras ng transaksyon.

Kung magkaibang entities ang OFI at ang receiving financial institution (RFI), dapat ipaalam ng originating bank o e-wallet sa RFI ang insidente.

“Both the OFI and RFI should make reasonable efforts to recover the sum sent in error in accordance with existing regulations and industry conventions,” saad ng BSP sa kanilang manual sa regulasyon ng mga bangko.

Tungkol naman sa mga pagtatalo sa fund transfer o hindi umano awtorisadong transaksyon na natanggap ng OFI, kailangan agad nitong ipaalam at ibigay ang kaugnay na detalye sa receiving financial institution (RFI).

“The OFI is primarily responsible for providing assistance and redress to its clients,” ayon pa sa BSP.

Habang isinasagawa ang imbestigasyon, sinabi ng BSP na parehong dapat ihinto ng RFI at OFI ang paniningil ng interes, bayarin, o anumang charges kung naaangkop, at dapat ding i-hold ang pinagtatalunang pondo kung hindi pa ito nagagalaw.

Inaatasan din silang magbigay ng “reasonable accommodations” sa financial consumer, tulad ng hindi maaaring i-withdraw na pansamantalang credit para sa pinagtatalunang halaga, o pansamantalang pag-hold ng naturang halaga sa loob ng itinakdang panahon.

May tatlong banking days ang mga financial institution matapos ang imbestigasyon upang pormal na ipaalam sa kliyente ang resulta. Dapat kabilang dito ang abiso ng pag-debit sa pansamantalang na-credit na halaga, kung may sapat na katibayan na walang naganap na hindi awtorisado o maling transaksyon.

'Best effort'

Samantala, sinabi ng GCash na dapat tiyakin ng mga user ang detalye ng transaksyon bago magpadala ng pera, dahil real-time ang mga money transfer.

“GCash can only reverse transactions if the account is inactive or not in use,” saad nito sa kanilang website.

Sa mga nakapagpadala ng pera sa maling tao, pinapayuhan ng fintech ang mga user na kontakin ang tumanggap at hilinging ibalik ang pera.

Samantala, ang mga nakapagpadala naman sa luma o hindi na aktibong numero ay pinapayuhang makipag-ugnayan sa support ng GCash app, kung saan ginagawa ang refund sa “best-effort” basis.

Inaasahang may update ito sa loob ng tatlong business days.

Naglabas din ng katulad na paalala ang Maya, na hinihikayat ang mga user na tiyakin na tama at valid ang account ng tatanggap bago kumpirmahin ang transfer, dahil “there is no way to reverse transactions that go to incorrect accounts.”

“Please contact the recipient directly to see if they can transfer the money back to you. For everyone’s safety and peace of mind, Maya does not interfere with the money in the accounts of users,” anito

Kung sakaling naipadala ang pondo sa mga account na wala naman talaga, sinabi ng Maya na awtomatikong maibabalik ang pera sa account ng user sa loob ng dalawang banking days.— Jon Viktor D. Cabuenas/FRJ GMA News