Nahuli-cam ang maaksyong pagtugis ng mga pulis sa isang suspek na sakay ng kotse sa Jurupa Valley sa Riverside County, California. Ang kotse ng suspek, nawalan ng kontrol at bumangga sa pader ng isang bahay matapos gamitan ng “grappler" device ng humahabol na police car.

Sa inilabas na pahayag ng Riverside County Sheriff, sinabing hapon nitong Miyerkoles, nang makita ng mga pulis ng Jurupa Valley Sheriff’s Station ang suspek na sangkot sa kasong pagnanakaw, at nagmamaneho ng kotse sa Pat’s Ranch Road at Limonite Avenue.

Sandaling nakaalpas umano ang suspek hanggang sa makitang muli sa Limonite Avenue at Van Buren Boulevard, kung saan sinubukan umanong pahintuin siya ng mga pulis pero hindi tumigil kaya nagsimula na ang habulan.

Sa gitna ng pagtugis, nakatanggap umano ang mga awtoridad ng impormasyon na may baril ang suspek kaya naging maingat ang humabol sa kaniya. Matapos ang mahabang habulan, gumamit ang tumutugis na police car ng “grappler” para mapatigil ang sasakyan ng suspek.

Pero na nawalan ng kontrol ang sasakyan ng suspek hanggang sa bumangga sa pader ng isang bahay. Sa lakas ng pagbangga, nawasak ang unahang bahagi ng kotse.

Gayunman, hindi kaagad nilapitan ng mga awtoridad ang sasakyan ng suspek at hinintay kung may lalabas mula rito.

“At the conclusion of the pursuit, the suspect refused to exit the vehicle and comply with deputies’ commands. The Riverside Sheriff’s Crisis Negotiation Team responded and began speaking with the suspect and attempted to negotiate a peaceful surrender,” saad sa pahayag.

"After multiple attempts to negotiate a surrender, the suspect stopped all communication with deputies,” dagdag nito.

Gumamit din ng SWAT armored vehicles at binasag ang salamin ng kotse para mahagisan ng gas canister sa loob para lumabas ang suspek pero hindi rin nangyari.

Nang mabuksan na ng mga awtoridad ang sasakyan, sinabi sa pahayag na natagpuan na may mga sugat at may tama ng baril ang suspek na umano’y ginawa nito sa sarili.

“The suspect was removed from the vehicle and paramedics rendered medical aid, but the suspect was ultimately pronounced deceased at the scene,” sa mga awtoridad.

Hindi kaagad inilabas ng mga awtoridad ang pangalan ng suspek. – FRJ GMA News