Naging madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang Fall of Bataan, na pagsuko ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa mga Hapon noong Abril 9, 1942. Sa likod nito, may mga kababaihan at kabataan na naging “unsung heroes” dahil sa ginawa nilang kabayanihan para bayan noong World War II. Kilalanin ang ilan sa kanila—kabilang ang isang guro.
“‘Yung typical picture natin ng mga kababaihan, nasa bahay lang sila. But during World War II, they were either in the front line or nasa rear line sila. Nagluluto sila ng pagkain para sa mga guerrilla. Inaayos nila ang mga damit ng mga guerrilla. They were providing this very important rear line support for the guerrillas if they were not in front,” sabi ni Dr. Ricardo Jose, historian sa U.P. Diliman sa Need To Know ng GMA News.
Isa sa mga kababaihang ito si Magdalena Leones, isang 22-anyos na guro.
Noong bumagsak ang Bataan, nakulong si Magdalena ng limang buwan. Habang nakakulong, natututo si Leones ang wikang Hapon.
“Because if you knew that, you could open doors with the Japanese. Magiging mas trustworthy ka sa kanila. Then they will start telling you things and you can get inside. But very risky nga,” sabi ni Jose.
Nagsilbi si Leones bilang espiya para sa mga Pilipinong mandirigma mula Pebrero 27, 1944 hanggang Setyembre 26, 1944.
Nakapagpadala siya ng mga mahalagang impormasyon at mga gamot sa kilusang guerrilla, maging sa mga lugar na kontrolado ng mga Hapon.
Nakapagpuslit din si Leones ng mga piyesa ng radyo na nakatulong para hindi maputol ang komunikasyon kay General Douglas MacArthur na nasa Australia noon.
Isa ang kontribusyon ni Leones sa mga humantong sa matagumpay na pagbabalik ni MacArthur sa Leyte noong 1944.
Dahil sa angking husay, binansagan si Leones bilang “The Lioness of Filipino Guerrilla Agents.” Dahil sa kaniyang katapangan, siya lamang ang tanging babaeng Asyano na nakatanggap ng Silver Star Medal noong October 22, 1945.
“At maraming beses na nanganib ‘yung buhay ni Magdalena Leones pero talagang hindi talaga siya natinag at talagang na-decorate siya sa kaniyang kabayanihan ng mga Amerikano,” sabi ni Xiao Chua, isang public historian.
Pumanaw si Leones noong 2016 sa Amerika.
“So we can see na talagang bahagi ng kasaysayan natin itong kababaihan sa Pilipinas. They have always been a very strong part of Philippine society,” sabi naman ni Dr. Ricardo Jose, historian sa U.P. Diliman.
Pagdating naman sa hanay ng mga kabataan, nabuo ang “Hunters ROTC” o grupo ng mga Pilipino Guerrilla na binubuo ng dating kadete ng Philippine Military Academy at estudyante sa kolehiyo.
“Matapos isara ang Philippine Military Academy noong World War II, kinomisyon ang mga third year at fourth year na kadete para lumaban sa Bataan, habang pinauwi ang mga first year at second year na kadete.
“Marami sa college students natin na gustong sumali sa Philippine Army. But at one point, as they were beginning to move towards Bataan, sabi ni Quezon, pauwiin niyo na 'yung mga ROTC students na ‘yun kasi baka sayang lang. If they go to Bataan, baka mamatay na lang sila. So Quezon felt na 'yung mga youth of the land was very important so dapat hindi iiwawaldas sa Bataan. So pinauwi niya,” sabi ni Jose.
Enero 1942 nang itinatag ang Hunters ROTC ng tatlong kadete mula sa PMA na sina Miguel Ver, Eleuterio Adevoso at Gustavo Ingles.
Hanggang sa binuksan nila ito sa mga estudyante sa kolehiyo mula sa iba't ibang unibersidad sa Metro Manila, na tumatanggap ng edad 17 hanggang 19.
Nagsilbi ang kanilang grupo na lumalaban sa mga Hapon sa labas ng Bataan.
“Sabi nila, we cannot just sit around when we know our seniors are fighting in Bataan. So doon na sila nag-organize ng Hunters ROTC group. Sabi nila, ‘If we cannot fight in Bataan, we can provide distraction for the Japanese. So mag-ambush kami sa Bataan, nakaw ng baril kung saan, try to become a guerilla group,’” sabi ni Jose.
Kalaunan, nagtungo ang mga kabataan sa Rizal upang doon bumase.
Sa pagbagsak ng Bataan, itinuloy nila ang pakikipaglaban sa mga Hapon.
Isa sa sinasabing tagumpay nila ang pagpapalaya sa kapwa nila Hunters, na nadakip at dinala sa Bilibid sa Muntinlupa.
“Grabe 'yung ginawa nila. Pinag-aralan nila 'yung Japanese sentries, timetable. ‘Yung iba sa kanila, nagbihis as Japanese sentries din, and talagang very well planned. Tapos pinatay nila ang kuryente, very well orchestrated. So they were able to release a lot of their friends doon sa New Bilibid Prison,” sabi ni Jose.
Tumulong din ang Hunters ROTC para mapakawalan ang mga nasa internment camp sa Los Baños, Laguna.
“In the beginning, when they were staging their first raids, akala ng mga tao, ay mga totoy lang ito, masyadong bata ito. But after they began ambushing, aba, may silbi pala sila, malakas pala sila,” sabi ni Jose.
“By 1944, because of all the experience that they had fighting the Japanese, talagang very experienced na sila. They were really a force to reckon with. Kaya they were given the task by the Americans. Kasi the Americans knew na very reliable sila. They could be trusted,” dagdag ni Jose. – FRJ GMA Integrated News
