Dismayado ang ilang tricycle driver sa Davao City matapos silang hindi makatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo noong Miyerkules, Abril 8, 2026.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing tig-P5,000 na cash aid ang ibinigay sa mga tricycle driver sa rehiyon.
Gayunpaman, may ilang driver na nagtungo umano sa payout site sa Agdao Public Market sa Davao City ang nagsabing wala ang pangalan nila sa listahan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.
Ang ibang driver, ilang oras din umanong pumila at malalaman na lang nila na hindi sila kasama sa mga mabibigyan ng tulong.
Ang ibang walang sa listahan, nakatanggap pa umano ng text notification kaya sila pumila.
Ipinaliwanag naman ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na nakabatay ang payout sa master list na ibinigay ng Davao City Transport and Traffic Management Office (CTTMO).
Ayon sa CSWDO, 437 na tricycle driver lang ang kasama sa listahan.
“Ayaw mo pagpila kung wala mo na text directly sa CSWDO kung kinsa man tong naa diri nga wala na text ni CSWDO mobaba na lang ta kay iverify pa mo ni CTTMO sa next batch,”
Sinabi naman ni CSWDO Social Services Welfare Operations Division Chief Gina Molon, na ipapasuri nila sa CTTMO ang mga pangalan na wala sa listahan para sa susunod na batch.
Inihayag naman ng DSWD-11 na sinusunod lamang ng kanilang tanggapan ang listahang isinumite ng lokal na pamahalaan, na siyang nagtatakda kung sinu-sino ang mga kwalipikadong benepisyaryo batay sa mga itinakdang panuntunan.
“Ini-expect po talaga namin na may mga drivers na pupunta rito nagbabakasakali kahit wala sa master list pero may guidelines po tayong sinusunod kami payout lang when it comes to the information maliwanag yan sa city government at ltfrb na sila ang magpapaalam kung kailan ang payout kung kailan ang venue nitong cash relief assistance,” ayon kay DSWD-11 Director, Rhuelo Aradanas.
Tiniyak din ng DSWD na magkakaroon pa ng mga karagdagang batch ng payout sa mga susunod na araw. – FRJ GMA News
