Nakunan ng dash-cam kung paano nabundol at nagulungan ng isang tricycle ang isang bata na nakikipagtaguan sa kaniyang kalaro sa panulukan ng Market Avenue sa Barangay Maybunga, Pasig City.
Sa ulat ni Emil Sumangil nitong Miyerkoles sa GMA News "24 Oras," kinuwento ng YouScooper na si Mitch Velasco na biglang tumawid ang biktima matapos na magtago sa likod ng isang pickup truck nang makita ang kaniyang kalaro.
Sa kasamaang-palad, may tricycle na biglang sumulpot na nakabundol sa bata at tuluyang siyang nasagasaan.
"I was thinking na modus siya, then suddenly may lumilitaw na bata doon sa gilid, then tumakbo siya. Parang tumawid siya doon sa kabilang side. Nagulat ako. Na-shock ako nung nagulungan siya ng tricycle," sabi ni Velasco.
Kaagad naman na dinala ang bata sa ospital ng nakasagasang tricycle driver na si Benito Marquez.
"Ako ang driver. May kasalanan man o wala, pananagutan mo 'yan," sabi ni Marquez.
Sa kabutihang palad, putok lang sa labi ang tinamo ng biktima at nagka-ayos na ang magkabilang panig.
Ngunit ayon sa mga awtoridad, hindi raw talaga magiging ligtas ang lansangan para sa mga pedestrian kung hindi sabay na kikilos ang pamahalaan at publiko.
"Unang una, 'Yung government, safe streets design, second is 'yung pagiging uneducated ng motor vehicle users at third, pagiging aware at educated ng non-motorized road users natin," ayon kay sabi ni Anton Sy ng Pasig City Transportation and Development and Management Office. --Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
