Halos maiyak na lamang ang isang tindero sa Villalobos, Quiapo, Maynila matapos siyang masalisihan ng isang babae ng ibinibenta niyang mga sugpo, lalo't inutang niya lamang ang puhunan sa mga ito.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman para sa Unang Balita ng GMA News nitong Biyernes, makikita sa CCTV na nagsisimula pa lamang ang buena mano ng tinderong si Benjie del Rosario, habang may babaeng palinga-linga at tila nagmamasid sa kaniyang puwesto.

Abala noon si Benjie at ang kaniyang asawa sa pag-aayos ng mga paninda nilang hipon. Maya-maya, itinabi ni Benjie ang paninda niyang isang supot ng sugpo.

Makikitang umalis ang babae ngunit bumalik din, pero mayroon nang dala-dalang plastic.

"Bumili pa siya ng worth P50 para hindi halata. Pero dahil sa ang kulay ng plastic po na binili niya at 'yung kinuha po ay parehas so hindi napapansin po," sabi ni Joey Jamisola, chairperson ng Barangay 306, Quiapo, Maynila.

Pagkakuha sa plastic ng sugpo na nagkakahalaga ng P2,500 hindi agad umalis ang babae.

"Araw-araw ko po pinangungutang 'yan, dugo at pawis puhunan n'yan. Masakit po sa kalooban namin, lalo na may mga pinag-aaral ka," sabi ni Benjie.

"Ang mga ganito, 'pag nakakuha sila, konti man, marami man, biglang umaalis 'yan. Pinapaalerto na po namin 'yan. Pinamo-monitor sa CCTV. Ngayon kapag po nakita namin 'yung mga ganu'ng itsura ulit, agad namin silang hinuhuli," Jay Dowell, kagawad ng naturang barangay. — Jamil Santos/RSJ, GMA News