Nauwi sa disgrasya ang tila pagmamagandang loob ng isang motorcycle rider na hawiin ang mga sasakyan para makadaan ang ambulansiya. Pero ang driver ng ambulansiya, 'di lubos na natuwa sa ginawa ng rider.
Sa ulat ni Jun Veneracion nitong Martes sa "24 Oras," nakuhanan ng dash cam nitong Sabado ang rider na tila nag-e-exhibition sa pagewang-gewang na takbo sa harapan ng ambulansiya na tila gustong patabihin ang mga motorista para makadaan ang ambulansiya.
Pero kahit nakauna na ang ambulasiya, sige pa rin ang rider sa pagewang-gewang na pagpapatakbo.
Sa video, maririnig na binubusinahan na ng ambulansya ang rider at sinasabihan na huminto pero hindi pa rin siya tumigil. May pagkakataon na sumemplang ang rider pero tumayo siya ulit at tinuloy paghawi ng sasakyan.
Sa isa niyang tangkang pagsingit, nakabangga siya ng isang sasakyan.
Hindi hinintuan ng rider ang kaniyang nabangga at doon lang tumigil sa pagbuntot sa ambulansiya at tuluyang umalis.
Ayon kay Richmond Jabar na nagmamaneho ng ambulasiya, galing sila sa Pasay City at may dala silang pasyente na dadalhin nila sa isang ospital sa Quezon City.
Bagaman iniisip daw nilang nagmagandang loob ang rider, delikado pa rin daw ang ginawa nito.
"For us, masyadong delikado eh. Nakita n'yo naman. Natumba siya, nakabangga. Ilang beses namin siyang muntikang nabangga," ani Jabar.
Aminadong nainis din ang emergency medical technician dahil naapektuhan daw ang kaniyang diskarte sa pagmamaneho.
"Kasi siyempre nawawala ang diskarte namin kung saan kami papasok kasi sa traffic," dagdag niya.
Dahil marami raw ang mga motoristang pasaway, nagpayo ang mga awtoridad na mag-give way na lang sa mga emergency response vehicle tulad ng ambulansiya para iwas-disgrasya. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
