Arestado ang anim na lalaki na gumagawa ng mga parol nang mahuling bumabatak  umano ng shabu Barangay Valencia, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing napag-alaman ng pulis ang paggamit ng droga ng mga suspek mula sa sumbong ng isang concerned citizen.

"Meron pong informant na nagpunta sa atin sa station, nagbigay ng impormasyon regarding dito po sa ginagawang gamitan itong sinasabing ilalim ng tulay," pahayag ni Senior Inspector Ramon Aquiatan, chief SDEU, QCPD Station 7.

Idinahilan ng mga suspek na pampagising lamang nila ang shabu dahil kailangan nilang gumawa ng 50 parol bawat isa, kada araw.

Nakuha mula sa kanila ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia, tulad ng aluminum foil at lighter.

Sinabi ng mga suspek na gumagamit sila ng droga para matapos ang kanilang gawain.

"Sir panglaban lamang sa antok sa paggawa ng parol," sabi ng isang suspek na si Marianito Tolentino Jr.

"Panglaban lang po sa antok," ayon naman kay Ban Alfredo Tolentino, isa pang suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA News