Kinuha na ng kaniyang ina ang isang dalawang-taong-gulang na lalaki matapos umano niya itong iwan sa tindahan sa Tondo, Maynila. Paliwanag ng nanay, iniwan niya ang bata sa tapat ng bahay ng kaniyang biyenan ngunit hindi ito nakuha.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita ng GMA News, sinabing nabawi ng ina ang bata Martes ng umaga sa barangay hall ng Barangay 212 Tondo, at panay ang yakap niya sa anak.

"Nag-umpisa na kasi siyang magtrabaho, ngayon, iniwan niya lang sa labas ng bahay dahil nahiya daw siya tsaka natatakot... Du'n sa biyenan niya," paliwanag ni Rosemarie Lim, Barangay 212 kagawad.

"Hindi alam ng biyenan niya kaya 'yung bata napalayo, dinala ng mga bata sa barangay, sabi nawawala daw," ayon pa kay Lim.

Noong nakaraang Linggo ng gabi nang dalhin ang bata sa barangay hall ng iba pang mga bata matapos nila itong matagpuan malapit sa tindahan.

Ipinanawagan naman ng barangay ang bata noong Linggo at Lunes, at ipina-medical exam pa kung saan natuklasang may sakit ito sa baga.

Pinainom din ng gamot ang 2-anyos bago sana dalhin sa DSWD.

Doon na lang nalaman ng nanay ng bata na hindi pala ito nagawang kunin ng biyenan nang itext niya ito.

"Kaninang umaga, kumakatok 'yung nanay, umiiyak. 'Yung anak niya andiyan lang naman sa tapat ng tindahan karga-karga ni kagawad Vangie pinainom ng gatas tapos sabi niya, 'Ikaw ba 'yung nanay?' Ayun inakap niya 'yung anak niya. 'Opo' sabi niya 'Pasensya na po naiwan ko. Andun 'yung biyenan ko,' tinuro niya 'yung bahay, 'Ay diyan pala!' sabi namin nagulat kami," saad ni Lim.

Hindi na hiningian ng barangay ng dokumento ang nanay na magpapatunay na siya nga ang magulang nito dahil palagay naman ang bata sa kaniya.

Pinapirma na lamang siya sa blotter, pati ang dalawang lola ng bata.

Sinabi ng barangay na imo-monitor na lang daw ng DSWD ang kalagayan ng bata. — Jamil Santos/RSJ, GMA News