Napurnada ang tangkang pagpupuslit umano ng hinihinalang marijuana sa Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD).
Sa ulat ni Victoria Tulad sa 24 Oras nitong Miyerkules, kita sa CCTV ang pagkapkap ng mga pulis sa mga dalaw sa kulungan.
Habang naghihintay sa pila, mapapansing nagmamasid sa inspeksyon ang 21-anyos na suspek na si John Paul Molano na nakasuot ng pulang damit.
Naka-itim namang T-shirt ang kasama niyang kaibigan.
Nang si Molano na ang kinakapkapan, isang pulis ang umakbay sa kanya.
Doon na nakuha ang isang sachet ng hinihinalang marijuana na itinago umano ng suspek sa kanyang pitaka.
"Nanginginig 'yung kamay niya tapos palingon-lingon kung saan-saan... dahil dun napansin nga nitong pulis natin kaya mas hinigpitan 'yung pagse-search sa kanya at 'dun na nga nakita 'yung marijuana," ayon kay Chief Inspector Sandie Carparroso, hepe ng QCPD Station 6.
Hinala ng mga awtoridad, balak ipuslit ni Molano ang dalang marijuana at ibigay sa kaibigan niyang nakakulong doon.
Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon.
"Wala po, pansariling gamit ko lang. Akala ko po kasi naiwan ko na sa bahay eh," paliwanag ni Molano.
Hindi umano kumbinsido ang mga pulis sa palusot ng suspek.
"Mahirap paniwalaan na for consumption niya lang 'yun dahil unang-una, police station 'tong pupuntahan niya. Alam niya pag nakita sa kanya 'yun, pwede siyang makulong. So meron siyang effort para ipasok 'dun sa loob," dagdag pa ni Carparroso.
Umamin si Molano na apat na buwan na siyang gumagamit ng marijuana matapos maimpluwensiyahan ng mga kaibigan.
Nakakulong siya ngayon dahil sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakatakas naman ang kaibigan niyang naka-itim.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga dumadalaw sa istasyon na huwag nang magtangkang magpuslit ng kontrabando. —Dona Magsino/NB, GMA News
